Photo from Cainta Police Station/FB
CAINTA, RIZAL – Arestado ang isang kilalang street-level drug peddler na si alyas “Bagwis/Supremo” matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Team ng Cainta Municipal Police Station pasado alas-dos ng madaling-araw, Agosto 24, 2025 sa V.V. Soliven, Q Plaza, Barangay San Isidro.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 2:05 A.M. nang mahuli ang suspek sa bisa ng operasyon na may koordinasyon sa PDEA (Coordination No. 10005-082025-0896). Ang operasyon ay naisagawa gamit ang Alternative Recording Device (ARD) bilang bahagi ng standard procedure.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat na pirasong heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 5 gramo at may halagang P34,000 batay sa standard drug price.
Bukod dito, nasamsam din ang isang sling bag, isang Glock 34 9mm pistol (serial no. ADGV658), isang Glock magazine, pitong bala ng 9mm, isang Yamaha Nmax (plate no. 478XEF), isang P500 marked money, at P1,000 na pinaniniwalaang kita mula sa ilegal na droga.
Bandang 4:10 A.M., isinailalim na ang suspek sa imbestigasyon ng case investigator.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition).
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa droga sa Rizal, kasabay ng babala sa mga sangkot na hindi titigil ang operasyon hanggang tuluyang masugpo ang iligal na kalakalan.
