PINATAWAN ng suspensiyon ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang jeepney driver matapos masangkot sa aksidente sa Carriedo, Maynila, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang kampanya para sa kaligtasan sa kalsada.
Ayon sa LTO, pinadalhan din ng show-cause order ang rehistradong may-ari ng jeepney at ang mismong driver.
Kakasuhan ang operator dahil sa pagkuha ng isang “reckless” driver, habang iniimbestigahan naman ang driver dahil sa pagiging “improper person” na magmaneho ng pampublikong sasakyan, na maaaring humantong sa tuluyang pagbawi ng kanyang lisensya.
Binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon na bahagi ito ng mas pinaigting na hakbang ng gobyerno laban sa mga pasaway sa kalsada.
Hinimok din ng mga awtoridad ang mga may-ari ng sasakyan na maging mas mapanuri sa pagkuha ng mga tsuper, at para sa mga driver naman ay panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan sa kalsada upang maiwasan ang kapahamakan ng mga pasahero at kapwa motorista. (MINA PADERNA)
