INILIPAT ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang district engineer ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office (LPM DEO) matapos masangkot sa kontrobersiya hinggil sa umano’y iregularidad sa pamamahala ng mga proyektong pang-imprastruktura.
Batay sa memorandum na nilagdaan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, si Engr. Isabelo Baleros, na namuno sa distrito mula Disyembre 2022, ay inilipat sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office. Pinalitan siya ni Engr. Ruel Umali na ngayon ang mamumuno sa LPM DEO.
Ayon kay Las Piñas lone district Rep. Mark Anthony Santos, inatasan si Engr. Umali na gampanan ang lahat ng tungkulin at responsibilidad bilang district engineer.
Naging sentro ng kontrobersiya ang P140-milyong C5 Diversion Road project sa Barangay Manuyo Dos, na pinakamalaking bahagi ng P450.5-milyong budget sa imprastruktura ng Las Piñas ngayong taon.
Lumabas sa mga dokumento na noong Hunyo 9 ay humiling si Baleros na ilipat ang pangangasiwa ng proyekto sa DPWH regional office sa Metro Manila, isang hakbang na inaprubahan umano ni Assistant Secretary for Regional Operations Loreta Malaluan at kinumpirma ni Secretary Bonoan noong Hulyo 15.
Mariing binatikos ni Rep. Santos ang kawalan ng konsultasyon sa mayor, city council, local engineering office, at congressional office bago ginawa ang hakbang.
“Ang kawalan ng transparency ay seryosong usapin lalo na’t pondo ng bayan ang nakataya,” giit ng mambabatas.
Kinumpirma naman ni Secretary Bonoan ang reassignment.
“Totoo, nailipat si Baleros sa ibang distrito noong nakaraang linggo,” maikli niyang pahayag.
Matatandaang naitalaga muna bilang Officer-in-Charge si Baleros noong Oktubre 2021 bago pormal na ma-install bilang District Engineer makalipas ang mahigit isang taon.
Dahil dito, lumalakas ang panawagan para sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga flood-control at infrastructure projects sa Metro Manila upang masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan. (KOJIN BOGART JR)
