May 18, 2024

TSERMAN UMINIT ANG ULO, NAMARIL NG 2 KABATAAN SA BATANGAS

ALITAGTAG, BATANGAS – Nahaharap ngayon sa kasong attempted homicide ang isang Barangay Chairman matapos na mag-init ang ulo sa mga sinaway na dalawang kabataan na naglalaro ng basketball bandang alas-8:00 ng umaga noong Martes sa Sitio Libis ng nasabing bayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Bryle Marquinez at Meljie Alosius Cyril Lagurin, mga nasa hustong gulang at residente sa Taal, Batangas. Habang ang suspek naman ay si Joey Dimalaluan ang barangay chairman sa naturang lugar.

Ayon sa report ni Alitagtag Municipal Police Station Chief PCapt. Ernie Bilog Delos Santos kay Batangas Police Provincial Director PCol. Glicerio Cansilao Jr., kasalukuyan naglalaro sa basketball court ang dalawang kabataan nang dumating ang suspek na galit na galit at pinaalis ang mga biktima subalit ng sila ay paalis na habang nakatayo malapit sa tubohan ay bigla na lamang ‘di umano na bumunot ng dalang di pa batid na kalibre ng  baril ang suspek at nagpaputok ng dalawang beses patungo sa direksyon ng mga biktima.

Dahil sa takot ay nagtatakbo sa gitna ng tubohan ang mga biktima at nagtago bago nagpunta sa istasyon ng pulisya nang matiyak na wala na ang suspek.

Naglatag na ngayon ng hot pursuit at manhunt operation ang mga pulis para madakip ang tumakas na suspek. (KOI HIPOLITO)