Isinusulong ni Senador Migz Zubiri ang isang panukalang batas na ganap na magbabawal sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa, na tinawag niyang isang “silent epidemic” na unti-unting sumisira sa kabuhayan ng maraming pamilyang Pilipino.
Sa kanyang panukala, binigyang-diin ni Zubiri na maraming Pilipino ang isinusugal maging ang kanilang grocery money sa mga online casino, mobile apps, at digital betting platforms. Dahil dito, layunin ng kanyang panukala na ipagbawal ang lahat ng digital forms ng sugal sa internet.
Ayon sa bill, obligado ang mga internet service providers (ISP), mobile network operators, at digital platforms na i-block ang access sa mga gambling websites, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya kontra online sugal.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bukas ito sa mga panukalang higpitan ang regulasyon sa e-gambling sa bansa.
Hindi lamang si Zubiri ang kumikilos laban sa online gambling. Senators Pia at Alan Peter Cayetano ay naghain din ng panukala na ipagbawal ang lahat ng uri ng advertisement, marketing, at promotions na may kinalaman sa online gambling.
Samantala, may hiwalay na panukala si Senador Win Gatchalian na layong itaas sa ₱10,000 ang minimum cash-in amount at ₱5,000 ang top-up limit para sa mga online gambling transaction — bilang alternatibo kung sakaling hindi umusad ang total ban.
Nagkakaisa ang ilang senador sa babala na ang online gambling ay may malalim na epekto hindi lamang sa pananalapi kundi maging sa mental health at disiplina ng mga Pilipino, partikular na sa mga low- to middle-income families.
“Hindi ito simpleng bisyo. Isa itong tahimik ngunit mapaminsalang epidemya na unti-unting winawasak ang mga pamilya. Panahon nang tuldukan ito,” giit ni Zubiri
