Isang malakas na pagsabog ang yumanig sa Armscor Global Defense Inc. sa Barangay Fortune, Marikina City bandang alas-2 ng hapon nitong Lunes, Hulyo 7, ayon sa ulat ng Marikina Rescue 161.
Kinumpirma ni Marikina Police Chief Col. Geoffrey Fernandez na tatlong lalaking biktima ang agad na isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center matapos rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng insidente.
Ayon kay Fernandez, isa sa mga biktima ay naputulan ng kamay, ang isa ay may tama sa dibdib, habang ang ikatlo ay tinamaan sa mata dahil sa pagsabog.
“Ang sabi, ‘yung isa naputulan ng kamay, ‘yung isa may tama sa dibdib, ‘yung isa sa mata. Puro lalaki,” ani Fernandez sa panayam.
Wala namang napaulat na nasawi sa insidente.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Fernandez na isa sa mga biktima ay umano’y humahawak o nagbubukas ng primer—ang kemikal na bahagi ng bala na nagpapasabog ng pulbura at nagpapaputok ng bala.
“Initially, ‘yung primer ay sumabog,” ayon kay Fernandez.
Posibleng spark o electrical charge dahil sa friction ang naging sanhi ng pagsabog ng primer, batay sa inisyal na pagsusuri ng mga awtoridad.
Nagpadala na rin ng mga tauhan mula sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit at mga forensic investigators ang pulisya. Nasa lugar din ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa kaukulang assessment.
Ang Armscor Global Defense Inc. ay isang kilalang pagawaan ng armas, bala, at iba pang supply para sa Armed Forces of the Philippines. Pansamantalang isinara ang pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
