Ulat mula kay FRANCO G. REGALA
NASAWI ang isang 19-anyos na piloto at ang kanyang 18-anyos na pasahero matapos bumagsak ang kanilang ultralight aircraft sa gitna ng palayan sa Barangay Panalicsican, Concepcion, Tarlac, nitong Sabado ng umaga, Oktubre 18.
Kinilala ng Tarlac Provincial Police Office (PPO) ang mga biktima na sina John Paul Boiles, piloto, at Joana Ruth Denoza, pasahero. Ayon sa pulisya, ito ang isa sa mga pinakabatang naitalang kaso ng pagkamatay na may kaugnayan sa aviation sa lalawigan.
Batay sa imbestigasyon ng Concepcion Municipal Police Station (CMPS), nakita umano ang single-engine, two-seater plane na umiikot sa himpapawid bago ito biglang bumagsak sa palayan bandang alas-11:00 ng umaga.
Agad na rumesponde ang mga residente matapos marinig ang malakas na tunog at makitang bumagsak ang eroplano. Naabutan pa umano ng mga rescuer na buhay ang dalawa, ngunit parehong nagtamo ng malubhang sugat. Idineklara silang Dead on Arrival (DOA) sa Concepcion District Hospital.
Ayon kay Police Lt. Col. Philip Flores Antang, hepe ng CMPS, nakikipagtulungan na sila sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang alamin ang sanhi ng pagbagsak. Paunang tinitingnan ng mga awtoridad ang posibleng mechanical failure, bagama’t isinasailalim din sa pagsusuri ang kondisyon ng panahon at karanasan ng piloto.
Kumpirmado ng CAAP na ang eroplano ay rehistradong recreational aircraft, at pinaalalahanan ang mga piloto na sundin ang mahigpit na safety protocols sa ganitong uri ng lipad.
Ayon sa mga saksi, tila “pumalya” ang makina bago bumagsak ang eroplano.
“Narinig naming parang sumabog, tapos bumagsak bigla,” ayon kay Alberto Reyes, magsasakang unang tumulong sa lugar.
Ayon naman kay Barangay Captain Rolando Cruz, “Nakapanlulumo ang nangyari. Dalawang buhay ang nawala. Nakikiramay kami sa kanilang mga pamilya.”
Si Boiles, tubong Angeles City, ay kilala bilang “passionate aviation enthusiast, habang si Denoza, taga-Macabebe, Pampanga, ay unang beses pa lamang sumakay ng ultralight aircraft.
Dagsa ang mga pakikiramay sa social media, kung saan inilarawan ng mga kaibigan ang dalawa bilang “magigiting na kabataang puno ng sigla at pangarap.”
Tiniyak ni Lt. Col. Antang na magiging transparent ang imbestigasyon.
“Patuloy ang forensic analysis at koordinasyon sa mga pamilya upang matiyak ang hustisya at kalinawan sa insidenteng ito,” aniya.
Hiniling din ng Tarlac PPO sa sinumang nakasaksi na makipag-ugnayan sa hotline 0939-536-5246 upang makatulong sa imbestigasyon. Inaasahang maglalabas ng progress report ang mga awtoridad sa loob ng 48 oras.
