ARESTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national sa San Leonardo, Nueva Ecija matapos matuklasang matagal nang overstaying sa bansa.
Kinilala ng BI Regional Intelligence Operations Unit 3 (RIOU-3) ang suspek na si Gurwinder Singh, 27, na nahuli noong umaga ng Oktubre 10 sa Barangay Castellano.
Ayon sa ulat, nakita si Singh sa isang karinderya sa kahabaan ng Maharlika Highway kung saan siya umano madalas kumain.
Nang lapitan ng mga operatiba, hindi umano nito naipakita ang kanyang passport o anumang dokumento ng pagkakakilanlan. Sa beripikasyon, lumabas na siya ay nananatili sa bansa mula pa noong 2018 nang walang legal na pahintulot.
Agad siyang inaresto at ipinaliwanag sa kanya ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang nauunawaan.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mabilis na aksyon ng mga ahente, at iginiit na patuloy na paiigtingin ng ahensya ang kampanya laban sa mga banyagang lumalabag sa batas ng imigrasyon.
“Mananatiling matatag ang Bureau of Immigration sa pagpapatupad ng ating mga batas upang matiyak na ang lahat ng dayuhang nasa bansa ay sumusunod sa tamang proseso,” pahayag ni Viado. “Tinutugon natin ang direktiba ng Pangulo na palakasin ang seguridad sa hangganan at protektahan ang kapakanan ng mamamayan.”
Si Singh ay kasalukuyang nakapiit sa pasilidad ng BI sa Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya. (MINA PADERNA)
