Mariing itinanggi ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga paratang ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) hinggil sa umano’y P8.8 bilyong pagkalugi ng pondo ng ahensya, na anila’y walang batayan at nakabatay lamang sa hindi kumpletong impormasyon.
Sa opisyal na pahayag ng GSIS, iginiit nitong “walang umiiral” na P8.8-bilyong loss sa kanilang mga opisyal na talaan ng pananalapi. “Ang numerong ito ay hindi umiiral sa anumang opisyal na talaan ng pananalapi ng GSIS,” ayon sa pahayag.
Nilinaw rin ng ahensya na maingat at mahigpit ang kanilang proseso sa pamumuhunan, at ang naturang investment ay ginawa sa isang publicly listed holding company at hindi sa kumpanyang may operasyon sa pagsusugal.Dagdag pa ng GSIS, nananatiling “matatag” at “ligtas” ang kanilang pondo sa kabila ng mga pagbabago sa merkado.
Batay sa datos ng ahensya, mula sa P1.53 trilyon noong Hulyo 2022, tumaas na ang pondo ng GSIS sa P1.92 trilyon pagsapit ng Agosto 2025 o katumbas ng mahigit P400 bilyong pagtaas. Umabot naman sa P100.02 bilyon ang net income sa parehong panahon, habang nananatiling ligtas ang fund life hanggang 2058.
“Ang GSIS ay pag-aari ninyo, ng aming mga miyembro. Ang aming nag-iisang misyon ay pangalagaan ang inyong mga kontribusyon at ihatid ang mga benepisyong nararapat para sa inyo,” dagdag pa ng ahensya.
Hinimok din ng GSIS ang mga miyembro na huwag basta maniwala sa kumakalat na impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal na pahayag at beripikadong datos.
