Sa totoo lang, hindi masamang batas ang Free Funeral Services Act. Magandang hakbang ito para sa mga pamilyang walang kakayahang magpalibing ng maayos sa kanilang mahal sa buhay. Pero kung susuriin nang mas malalim, tila nakakatawa o mas masakit isipin na mas inuna ng gobyerno ang libing kaysa lunas.
Kung tutuusin, ano ba ang saysay ng libreng libing kung ang dahilan ng pagkamatay ay kakulangan sa serbisyong medikal? Habang sinisiguro ng gobyerno na may kabaong at sementeryo ang mga mahihirap, wala pa ring katiyakan na may gamot, ospital, o doktor bago sila tuluyang sumuko sa karamdaman.
Anim na taon matapos ipasa ang Universal Health Care Act, nananatiling pangarap ang “healthcare for all.”
Sa datos ng PSA at Ibong Foundation, mas maraming pribadong ospital kaysa pampubliko, at karamihan sa mga mahihirap ay sa huli na lamang naaasikaso. Sa burol at hindi sa ospital.
Tila baga sinasabi ng gobyerno na kung hindi ka namin kayang gamutin, huwag kang mag-alala dahil kaya ka naming ilibing.
Masakit, pero iyan ang realidad ng maraming Pilipino sa malalayong probinsya na walang DOH hospital, walang doktor, at walang gamot.
Kung tunay na malasakit sa mahihirap ang hangarin, bakit hindi unahin ang serbisyong pangkalusugan bago ang serbisyong pagpapalibing? Hindi ba’t mas makatao ang bigyan ng tsansang mabuhay kaysa sa disenteng pagkamatay?
Maganda ang layunin pero tila mali ang prayoridad. Ganito mailalarawan ang bagong batas.
Oo, makakatulong ito, pero sanay huwag itong maging paalala na sa bansa natin, mas madali pang makakuha ng libreng kabaong kaysa libreng gamutan.
