PASAY CITY — Nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang P227 milyong halaga ng high-grade marijuana o “Kush” sa NAIA Terminal 3, sa pinakamalaking pagkakahuli ng ganitong uri ng droga sa kasaysayan ng ahensya.
Ayon sa ulat ng BOC, nangyari ang operasyon noong Setyembre 7, 2025, bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border protection at kampanya laban sa ilegal na droga.
Natagpuan ang 151,334 gramo ng hinihinalang Kush sa anim na checked-in baggage ng dalawang Pilipinong pasahero na dumating mula Bangkok, Thailand, sakay ng Cebu Pacific Flight 53932.
Sa isinagawang routine profiling at x-ray screening, napansin ng mga tauhan ng BOC ang kahina-hinalang imahe sa bagahe ng mga pasahero. Isinailalim ito sa 100% physical inspection, kung saan nadiskubre ang ilang transparent packs ng high-grade marijuana.
Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 units na naglalaman nga ng iligal na droga ang mga bagahe. Agad namang inaresto ang mga suspek at ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas.
Batay sa imbentaryo, umabot sa 151,334 gramo ang kabuuang timbang ng mga nasabat na droga, na may street value na P227 milyon.
Agad na itinurn-over sa PDEA ang mga suspek at kontrabando para sa imbestigasyon at tamang disposisyon, sa tulong ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Pinuri ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang matagumpay na operasyon, na aniya ay patunay ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa drug smuggling.
“Ang matagumpay na pagkakasabat na ito ay patunay ng ating determinasyon na labanan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. Patuloy kaming magiging mapagbantay sa ating mga hangganan,” ayon kay Nepomuceno.
Binigyang-diin din ni District Collector Alexandra Y. Lumontad na ang tagumpay ay bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin at malakas na ugnayan ng mga ahensya.
“Ipinapakita nito ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad at matatag na koordinasyon upang mapanatiling ligtas ang ating mga paliparan laban sa mga sindikatong nagsasamantala,” pahayag ni Lumontad.
Ang nasabing operasyon ay patunay ng mahalagang papel ng BOC-NAIA sa pagtitiyak ng pambansang seguridad at pagsugpo sa pagkalat ng ilegal na droga, alinsunod sa layunin ng pamahalaan na gawing ligtas at maayos ang bawat entry point ng bansa. (MINA PADERNA)
