SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng UV Express na sangkot sa karambola sa Commonwealth Avenue noong Biyernes, Oktubre 17, kung saan isang tao ang nasawi at 14 ang nasugatan.
Ang aksyon ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tugisin ang mga lumalabag at naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng kalsada, sa pangangasiwa ni Acting DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, agad silang naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa may-ari ng nasabing UV Express upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang prangkisa.
Kasabay nito, nahaharap din ang may-ari sa kaso dahil umano sa pagkuha ng iresponsableng drayber na tumakas matapos ang insidente.
“Marami itong kailangang ipaliwanag. Sa imbestigasyon, aalamin natin kung bakit ganito ang naging asal ng drayber na humantong sa pagkamatay at pagkasugat ng maraming tao,” pahayag ni Mendoza.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District na isinumite sa LTFRB, bigla umanong binangga ng UV Express ang ilang motorcycle riders habang tumatakas sa habulan.
“Patuloy itong nagpatakbo nang mabilis at paikot-ikot mula eastbound hanggang westbound ng Commonwealth Avenue, bumabangga sa iba pang sasakyan at nagdulot ng pinsala sa maraming biktima,” ayon sa ulat ng pulisya.
Dahil sa insidente, isang biktima ang nasawi, habang 14 ang nagtamo ng mga sugat, at ilang motorsiklo ang nasira.
Nakasaad sa SCO na ipinag-uutos sa may-ari na isuko ang plaka ng nasangkot na unit at ipa-impound ang UV Express habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Nakikiramay kami sa pamilya ng biktima. Sisiguraduhin ng LTFRB na makakamit nila ang hustisya,” dagdag ni Chairman Mendoza.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng LTFRB at pulisya upang matukoy ang lahat ng responsableng sangkot sa insidente at mapanagot sila sa batas. (MINA PADERNA)
