Usap-usapan ngayon sa social media ang pagbabalik-tambalan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano matapos ilabas ang teaser para sa kanilang bagong pelikula sa ilalim ng Star Cinema, ang “Tayo sa Wakas.”
Base sa datos na ibinahagi ng Star Cinema nitong Martes, Pebrero 17, umabot na sa 5.9 million views ang official announcement teaser ng pelikula sa iba’t ibang social media platforms at YouTube, isang araw lamang matapos itong ilabas noong Lunes.Pagbabalik sa Big Screen
Ang “Tayo sa Wakas” ay ididirehe ng box-office director na si Cathy Garcia-Sampana at nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Mayo 27. Ang proyektong ito ang nagsisilbing “comeback” ng tambalang “DonBelle” sa pelikula matapos ang kanilang huling big screen project na “An Inconvenient Love” noong 2022.
Sa nakalipas na mga buwan, nagpokus ang dalawa sa kani-kanilang solo projects at personal na paglago, kaya naman labis ang pananabik ng kanilang mga tagahanga sa muli nilang pagsasama.
Sa naging panayam ng ABS-CBN News, kapwa nagpahayag ng excitement ang dalawa para sa nasabing proyekto. Ayon kay Donny, magiging napaka-espesyal ng pelikulang ito para sa kanilang dalawa dahil sa tagal na nilang nagtatrabaho nang magkasama.
“I just can’t wait to show the people what we have,” dagdag pa ng aktor.
Para naman kay Belle, isang tunay na comeback ang pakiramdam ng proyektong ito. Aniya, “unexpected” ang kuwentong inihanda para sa kanila kaya’t hindi na siya makapaghintay na mapanood ito ng publiko.
Bago ang “Tayo sa Wakas,” umani ng tagumpay ang DonBelle sa mga hit series na “He’s Into Her” at “Can’t Buy Me Love,” gayundin sa kanilang 2021 film na “Love Is Color Blind.”
