Nagpahayag ng matinding kalungkutan ang singer-songwriter at abogado na si Jimmy Bondoc kaugnay ng mga alegasyong nag-uugnay kay Senador Bong Go sa mga isyu ng drug war sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag sa Facebook, inilarawan ni Bondoc na “napakasakit” para sa kanya na makitang binabatikos ang senador, na itinuturing niyang isang malapit na kaibigan. Naniniwala si Bondoc na ang mga akusasyon ay bunga lamang ng maruming politika at maling naratibo sa media.
Binigyang-diin ni Bondoc na ang buhay ni Go ay nakasentro sa pagtulong sa kapwa, partikular na sa pagbibigay ng medical assistance at pagbisita sa mga biktima ng sakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Samantalang alam naming lahat na walang ibang ginawa at ginagawa si SBG sa buhay niya kundi ang magbigay ng medical assistance, magpunta sa mga nasunugan, magbigay suporta sa mga lokal na pamahalaan, at maging tunay na kaibigan,” ani Bondoc.
Ayon pa sa singer-abogado, mahirap ipaliwanag ang katotohanan sa mga taong “nabulag” na ng public relations (PR) at mga ulat sa media. Ikinadismaya niya na kung ano pa umano ang mabuting gawa ay siyang pinagmumukhang masama dahil sa politika.
Tinawag din ni Bondoc na “kabalastugan” ang mga akusasyon at iginiit na mas masakit ito para sa mga taong personal na nakakakilala sa tunay na pagkatao ng senador. Nagtapos ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng pagbanggit ng isang talata mula sa Bibliya: “The Lord is close to the brokenhearted, and saves those who are crushed in spirit.”
Una nang itinanggi ni Senador Bong Go ang lahat ng mga alegasyon laban sa kanya. Tinawag niya itong “unfounded,” “one-sided,” at “unfair” habang nananatiling buo ang kanyang paninindigan na wala siyang kinalaman sa anumang ilegal na gawain na ibinibintang sa kanya.
