Matitinding akusasyon ang ibinato ni Rod Navarro Jr., anak ng yumaong beteranong aktor na si Rod Navarro, laban sa aktor at direktor na si Coco Martin kaugnay ng naging karanasan niya sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo.
Sa isang pahayag sa Facebook, direktang sinagot ni Navarro ang isang kumakalat na panayam ni Martin kung saan binanggit ng huli na may mga pagkakataong nabibigyan niya ng oportunidad ang isang tao ngunit “napanghihinaan ng loob” ang mga ito.
Ayon kay Navarro, hindi makatotohanan ang bersyong ito ni Martin at iginiit na ang naging trato sa kanya ang dahilan ng kanyang pag-alis.
Tahakang sinabi ni Navarro na tumanggi siyang tanggapin ang tulong ni Martin dahil sa umano’y hindi magandang pananalita at mga banta na kasama nito.
“Hindi ka totoo. Maling-mali kwento mo… Di ako tumanggap ng tulong mula sa’yo dahil ang sabi mo, isang pagkakamali ko lang eh tanggal ako at kapag ‘di ko napalago eh ‘wag na tayo mag-uusap. May mura pa na kasama ang banta,” saad ni Navarro.
Ibinahagi rin ni Navarro na sa panahong iyon ay dumaranas siya ng depresyon at may karamdamang intestinal bleeding, na ipinaalam din niya umano sa aktor sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang medical records.
Aniya, hindi nararapat na ibaba ang kumpiyansa ng isang taong nawalan na ng lahat at nagsisikap lamang bumangon.
Bukod kay Martin, kinuwestiyon din ni Navarro ang naging trato sa kanya ng mga direktor sa set ng produksyon.
Inakusahan niya ang mga ito ng pagmumura at pagpapahiya sa kanya sa harap ng maraming tao kahit maayos naman umano ang kanyang pag-arte at trabaho.
Dagdag pa ni Navarro, nais niyang patunayan na mali ang mga “panlalait” sa kanya kaya siya ay patuloy na nagsisikap na makilala sa industriya.
Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga tagahanga ng direktor:
“Pasensya po sa mga tagahanga niyo pero labas po ang tunay na ugali naming mga artista sa aming pagganap. Sana’y maunawaan niyo po ako bilang isang tao na hindi papayag gamitin at tapak-tapakan,” pahayag ni Navarro.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag o tugon si Coco Martin o ang pamunuan ng Batang Quiapo hinggil sa mga seryosong paratang na ito.
