SUGATAN ang tatlong katao matapos ararohin ng SUV ang mga nakaparandang motorsiklo sa kahabaan ng Marilaque Highway, Barangay Pinugay, Baras, Rizal nitong Nobyembre 2, 2025, bandang 3:30 ng hapon.
Batay sa ulat ng Baras Municipal Police Station (MPS), patungong Tanay, Rizal ang isang puting SUV Geely Coolray Sports S na minamaneho ni alias Lemuel, 39-anyos, residente ng Maynila, nang bigla nitong mabangga ang anim na motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada sa hindi pa matukoy na dahilan.
Dahil sa tindi ng impact, nagresulta ito sa sunud-sunod na salpukan na nagdulot ng pinsala sa mga motorsiklo at pagkakasugat ng tatlong pasahero mula sa iba’t ibang motorsiklo.
Kinilala ang mga nasugatan na sina alyas Joan, 23-anyos, pasahero ng Honda Beat (Vehicle 1); alyas Maria, 39-anyos, pasahero ng Yamaha NMAX; at alyas Jeslyn, 25-anyos, pasahero ng Honda Click.
Agad silang dinala sa Quirino Memorial Hospital sa Quezon City para sa agarang lunas.
Samantala, ang mga driver ng anim na motorsiklo na sina alyas Larry, Arvie, Mark, Rowell, Nelson, at Jessie ay hindi naman nagtamo ng pinsala.
Patuloy na iniimbestigahan ng Baras PNP ang sanhi ng aksidente at kung magkano ang halaga ng pinsala.
Ayon sa pulisya, posibleng reckless imprudence o pagmamaneho nang walang pag-iingat ang dahilan ng insidente, at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries and Damage to Property ang driver ng SUV. (Arnold Pajaron Jr)
