NAUWI sa malagim na pananaksak ang simpleng laro ng “scatter” matapos magtalo ang magkaibigang lalaki dahil umano sa laman ng GCash account sa Brgy. Mambog, Binangonan, Rizal nitong Nobyembre 2, 2025, bandang 2:30 ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station (MPS), naglalaro sa tapat ng bahay ng suspek na kinilalang si alias Jay ang biktima na si alias Herminigildo nang buksan ng huli ang kanyang GCash account upang mag-load.
Napansin umano nito na ubos ang laman ng kanyang e-wallet, dahilan upang agad niyang harapin ang suspek.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa suntukan, ngunit kumuha umano si Jay ng patalim mula sa kanyang baywang at ilang beses na sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago tumakas.
Agad namang humingi ng tulong ang saksi at tumawag sa mga responding officers at MDRRMO, na agad namang nagdala kay Herminigildo sa Margarito Duavit Memorial Hospital.
Gayunpaman, idineklarang dead on arrival (DOA) ang biktima ng attending physician.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa tumakas na suspek, habang iniimbestigahan ang posibleng motibo at iba pang detalye ng insidente. (Arnold Pajaron Jr)
