NATAGPUANG wala ng buhay ang sang lalaking German national sa loob ng kanyang tinitirhang unit sa Cambridge Village, Barangay San Andres, Cainta, Rizal nitong Nobyembre 2, 2025, bandang 12:00 ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Tobias Wahl, nasa hustong gulang, at residente ng Cluster 31, Unit 5K ng nasabing condominium complex.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), nakatanggap ang kanilang Monitoring and Tactical Operations Center ng tawag mula sa Police Community Precinct 2 (PCP 2) dakong 1:20 ng hapon hinggil sa natagpuang bangkay sa nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, mag-isa umanong nakatira sa unit ang biktima. Napansin ng isang saksi ang masangsang na amoy na nagmumula sa katabing unit, dahilan upang ipagbigay-alam ito sa security guard ng gusali. Nang silipin nila sa bintana, nakita umano nila ang mga bakas ng dugo sa banyo at magulong damit sa loob, kaya’t agad silang tumawag ng pulis.
Agad namang rumesponde ang mga duty investigators ng Cainta MPS upang magsagawa ng imbestigasyon at dokumentasyon sa lugar.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ni Wahl at kung may naganap na foul play sa insidente. (Arnold Pajaron Jr)
