ARESTADO ang sampung katao, kabilang ang isang kilalang alyas “Raymond,” matapos maaktuhan ng mga pulis na nagsasagawa ng iligal na sabong o “tupada” sa Liwayway Creekside, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal nitong Nobyembre 2, 2025, bandang 2:45 ng hapon.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station (MPS), nagsagawa ng anti-criminality operation ang mga intel operatives ng istasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa nagaganap na iligal na sugal sa lugar.
Naaktuhan umano ang mga suspek habang abala sa pustahan at pagpapalaban ng manok.
Nakumpiska sa operasyon ang dalawang manok panabong, isang tari, at pot money o pusta na nagkakahalaga ng P2,200.
Ang mga naaresto ay dinala at itinurn-over sa Investigator-On-Case (IOC) bandang 3:30 ng hapon para sa karampatang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 1602, o ang batas laban sa iligal na sugal.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Taytay PNP ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. (Arnold Pajaron Jr)
