ARESTADO ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nag-iingat umano ng hind lisensyadong baril si alyas “Gray”, 56..
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trail Court (RTC) para sa paglabag sa R.A 10591, agad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Goforth ang pagsalakay sa bahay ng suspek.
Dakong alas-5:02 ng hapon nang halughugin ng mga tauhan ng East Bagong Silang Sub-Station 13 ang bahay ng suspek sa Phase 8B, Package 4, Blk 1, Lot 26, Bagong Silang, Brgy., 176D.
Nasamsam ng mga pulis sa loob ng bahay ng suspek ang isang pistola na may isang magazine na kargado ng tatlong bala at nang wala siyang maipakita na kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay inaresto na siya.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (JUVY LUCERO)
