SHOOT sa rehas na bakal ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga nang matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa ulat ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Valenzuela City Police chief P/Col. Joseph Talento, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Ryan”.
Base sa report, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Ryan.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, agad nila ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi na nakapalag ang suspek nang sunggaban ng mga operatiba ng SDEU matapos bintahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer dakong ala-1:10 ng madaling araw sa Gozales St., Brgy. Malanday.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money at P200 recovered money.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 11 at 5 sa ilalim ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
