Isang panibagong tagumpay ang natamo ng tennis sensation na si Alex Eala matapos siyang pumasok sa world Top 50 ng Women’s Tennis Association (WTA) rankings na inilabas ngayong Lunes, Nobyembre 3.
Umakyat si Eala mula sa No. 51 patungong No. 50, ang pinakamataas na ranggo sa kanyang karera, kasunod ng kanyang mahusay na kampanya sa Hong Kong Open, kung saan umabot siya sa Round of 16 bago natalo sa eventual champion na si Victoria Mboko ng Canada.
Halos nasungkit ni Eala ang panalo laban kay Mboko, na ngayon ay nasa world No. 18, matapos makuha ang 4-1 na kalamangan sa deciding set. Ngunit nabigo siyang tapusin ang laban at tuluyang natalo sa iskor na 3-6, 6-3, 6-4.
Sa Round of 32, nakuha ni Eala ang panalo matapos magretiro si Katie Boulter ng Great Britain dahil sa injury, kahit pa lamang ay lamang na si Eala sa score na 6-4, 2-1.
Ang pagpasok ni Eala sa Top 50 ay bunga ng matagumpay na taon sa kanyang karera. Mula sa ranggong No. 158 noong pagtatapos ng 2024, umangat siya matapos ang kanyang historic semifinal finish sa Miami Open noong Marso, kung saan tinalo niya ang mga dating Grand Slam champions na sina Iga Swiatek, Madison Keys, at Jelena Ostapenko — isang pambihirang tagumpay para sa isang Pinay.
Dahil dito, nakakuha siya ng direktang entry sa mga Grand Slam tournaments tulad ng French Open, Wimbledon, at US Open. Sa US Open, gumawa ng kasaysayan si Eala bilang unang Pilipinong nakapanalo ng Grand Slam main draw match sa Open Era matapos talunin si Clara Tauson ng Denmark.
Kabilang din sa kanyang mga highlight ngayong 2025 ang unang WTA finals appearance sa Eastbourne Open noong Hunyo at unang WTA Challenger title sa Guadalajara Open noong Setyembre.
Bagama’t tapos na ang kanyang 2025 season matapos ang Hong Kong Open, posibleng maglaro pa si Eala sa Southeast Asian Games sa Disyembre sa Thailand.
Isa sa inaasahang mahigpit na karibal niya roon ay si Janice Tjen ng Indonesia, na kasalukuyang nasa world No. 53 matapos manalo sa Chennai Open nitong Nobyembre 2. (Ron Tolentino)
