Isinusulong ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang isang panukalang batas na layong labanan ang cyberbullying, fake news, at online harassment, lalo na laban sa mga kabataan at iba pang mahihinang sektor sa lipunan.
Ang naturang panukala ay tatawaging “Anti-Online Hate and Harassment Bill” o kilala rin bilang “Emman Atienza Bill,” na ipinangalan sa yumaong anak ng TV personality na si Kim Atienza, na biktima rin umano ng matinding online bullying.
“While social media serves as a platform to advocate for truth, it has also given room for ruining reputations, spreading fake news, rumors, false accusations, and violence,” pahayag ni Ejercito.
“In reality, there are no delete or edit buttons for the ones we have hurt,” dagdag pa ng senador.
Ayon kay Ejercito, layon ng Senate Bill No. 1474 na palawakin ang saklaw ng mga kasalukuyang batas gaya ng Cybercrime Prevention Act at Anti-Bullying Act, na aniya ay kulang pa sa proteksiyon para sa mga biktima ng online pang-aabuso.
Sakop ng panukala ang mga gawaing tulad ng cyberlibel, hate speech, online harassment, cyberstalking, at pagbabahagi ng pribadong impormasyon nang walang pahintulot.
Gayunman, nananatiling protektado sa batas ang lehitimong komentaryo, satire, at kritisismo, lalo na laban sa mga opisyal ng gobyerno, basta’t hindi ito naglalaman ng maling impormasyon o paninirang-puri.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang mga social media platforms na tanggalin o i-block ang mapanirang content sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng verified complaint o court order.
Dapat din nilang i-suspend o i-ban ang mga lumalabag, i-preserba ang ebidensiya, at magbigay ng accessible reporting system para sa mga biktima. Ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa multa o pagkansela ng operasyon sa bansa.
Kasama rin sa panukala ang pagbuo ng Victim Support and Protection Program sa tulong ng DSWD, DOH, at DOJ, upang magbigay ng psychosocial counseling, legal aid, at proteksiyon para sa mga biktima ng online harassment.
Sagot naman ng mga perpetrator o nananakit online ang gastos para sa serbisyong ito.
Ang mga mapapatunayang lumabag ay maaaring makulong at pagmultahin ng P50,000 hanggang P200,000, depende sa bigat at dalas ng kasalanan.
“With the primary objective to protect individuals from online harassment, this bill seeks to strengthen the implementation of laws that deter cyberbullying and online hate. And as Emman used to always say, to promote a little kindness,” pagtatapos ni Ejercito.
