Umani ng atensyon online ang dating Eat Bulaga! host na si Anjo Yllana matapos maglabas ng serye ng mabibigat na pahayag laban kay Sen. Tito Sotto III sa isang viral video nitong weekend.
Sa naturang video, binanggit ni Yllana ang umano’y mga “bayaran” ng mga vloggers at isang isyung may kinalaman sa personal na buhay ng senador.
“Tito Sen, ang dami mo na namang pinalabas na bayaran mo na sa mga vloggers dito sa’yo… gusto mo bang ilabas ko kung sino ang kabit mo mula 2013?” ani Yllana sa kanyang rant.
Dagdag pa ng dating komedyante, handa raw siyang “i-reveal” o ilantad sa publiko ang sinasabing kabit ni Sotto noong taong 2013.
“Sabihin mo lang, ia-announce ko na sa taong bayan kung sino ‘yung kabit mo mula 2013 na pinalakad mo sa akin,” wika pa ni Yllana.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Sen. Sotto hinggil sa mga akusasyon ni Yllana hanggang sa oras ng paglalathala.
Gayunman, umani ng sari-saring reaksyon mula sa netizens ang naturang video, ilan ang nanawagan ng pagpapakalma at respeto, habang ang iba naman ay nanghihingi ng patunay sa mga mabibigat na bintang ng dating TV host.
Si Yllana ay dating ka-trabaho ni Sotto sa Eat Bulaga! at naging aktibo rin sa lokal na politika bago muling naging laman ng social media dahil sa kontrobersiyal na mga pahayag.
