Walang kawala ang limang kalalakihan matapos salakayin ng mga tauhan ng Taytay Municipal Police Station ang kanilang sugalan sa Barangay Dolores kagabi, Hulyo 17, pasado alas-7:50 ng gabi.
Ayon sa pulisya, bukod sa pagsusugal ng Cara y Cruz, bistado ring tatlo sa kanila ay may dalang shabu.
Kinilala ang mga dinakip na sina alias “Jayson”, 43, High-Value Target at security guard, taga-Brgy. San Juan, Taytay; alyas “Ole”, 37, walang trabaho, Street Level Individual, taga-Brgy. Dolores, Taytay; alyas “Son”, 35, walang trabaho, Street Level Individual, taga-Brgy. San Juan, Cainta; alyas “Karl”, 39, drayber, taga-Brgy. Dolores, Taytay; at alyas “Tantan”, 35, walang trabaho, taga-Brgy. San Juan, Taytay.
Naaktuhan umano ang grupo sa aktwal na pagsusugal gamit ang tatlong pisong barya bilang pangara. Pero nang kapkapan, bumuyangyang ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P136,000.
Narekober din ang P650 na marked money, na ginamit umano sa pustahan.
Kulong ngayon ang limang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Illegal Gambling Law (PD 1602) at Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Ayon sa Rizal Police Provincial Office, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya kontra sugal at droga para panatilihing ligtas at tahimik ang lalawigan.
