Hindi nagpapigil si Bicol Saro Party-list Rep. James Mark “Terry” Ridon sa panawagan na ituloy at tapusin ng Senate Impeachment Court ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y iligal na paggamit ng P612.5-M Confidential and Intelligence Funds (CIF).
Sa The Agenda Media Forum na ginanap nitong Hulyo 18 sa Club Filipino sa San Juan City, mariing iginiit ni Ridon na wala umanong sagabal sa Konstitusyon para hindi ituloy ang impeachment laban sa Bise Presidente.
“Trabaho ng Senado na litisin at desisyunan ang impeachment ng VP. Hindi ito pwedeng basta-basta i-dismiss,” giit ni Ridon.
Kabilang sa mga pinupunto sa impeachment complaint ay ang kontrobersyal na CIF na ginastos ng Office of the Vice President at DepEd noong pinamumunuan pa ito ni Duterte. Ibinulgar pa ni Ridon ang umano’y paglalabas ng pondo sa ilalim ng mga pangalan tulad ni Mary Grace Piattos, pati ang isyu ng “threats” laban sa Pangulo at Unang Ginang na nakasaad sa Articles of Impeachment.
Kung si Ridon ang tatanungin, dapat daw ay kumpletong paglilitis at hindi basta husgahan ang kaso sa teknikalidad. Ikinumpara pa niya ito sa mga naunang impeachment tulad kay dating Pangulong Joseph Estrada at kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, na nagbitiw bago pa humarap sa Senate trial.
“Hindi ito puro pulitika lang, legal din ito. Kaya dapat ituloy at tapusin ang paglilitis,” diin ni Ridon.
“Kahit ano’ng sabihin ng publiko, trabaho ng Senado ang ituloy at tapusin ang impeachment kay VP Sara. Walang lusot dito!” dagdag pa niya.
Kung sakali namang maabsuwelto si Duterte, sinabi ni Ridon na dapat lang ituloy ni VP Sara ang kanyang trabaho bilang Pangalawang Pangulo. Pero kung mapatunayang nagkasala, malinaw daw na may sapat na basehan para siya ay mapatalsik.
Bukod sa impeachment, isiningit din ni Ridon ang panawagan para sa high-speed railway project sa Bicol, na aniya’y makakatulong sa pag-ahon ng rehiyon mula sa kahirapan.
Pati ang isyu ng International Criminal Court (ICC) at posibilidad na maaresto si Senador Bato Dela Rosa, natalakay rin sa forum.
