Isang lasing na guwardya ang arestado matapos tutukan ng baril, murahin, at sapakin ang isang motorista sa gitna ng mainit na pagtatalo sa kalsada sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina kahapon ng hapon, Hulyo 17, 2025.
Pero hindi umubra ang kanyang kayabangan! Sa loob lang ng tatlong minuto, dumating ang mga pulis ng Marikina matapos ang agarang tawag sa 911, dahilan para mapigilan ang posibleng pamamaril sa gasolinahan sa JP Rizal cor. Kingsway Street.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang gulo nang habulin ng suspek, isang 45-anyos na security guard, ang isang 30-anyos na motorista habang binabaybay ang JP Rizal St., Brgy. Nangka.
Ayon sa biktima, sinisingitan at binubusinahan siya ng suspek sa kasagsagan ng trapik.
Hindi pa nakuntento, sinundan pa ng suspek ang biktima hanggang sa gasolinahan. Dito na raw nagwala ang guwardya, nilapitan ang biktima, minura, binunot ang baril at nagbanta: “Gusto mo, barilin kita!”
Kasunod nito, sinapak pa nito ang biktima sa mukha at sinipa ang kanyang sasakyan, dahilan para magka-damage ang kotse.
Nang magsumbong ang biktima sa 911, agad namang rumonda ang mga pulis ng Sector 6, Marikina Police, at inaresto ang guwardya bago pa ito makatakas.
Nasamsam mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril na may anim na bala, kasama ang kanyang motorsiklo at sling bag.
Bukod sa lasing sa gitna ng kalsada, tambak ang kasong kakaharapin ng suspek kabilang ang physical injury, grave threat, malicious mischief at paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearm).
