Hindi na kailangang pumila at mamroblema sa dami ng papeles! Sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., inilunsad nitong Hulyo 18 ang Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub (BPESH) sa San Juan National Government Center.
Kasama ng Pangulo sa inisyatibo si DICT Secretary Henry Aguda, at iba pang opisyal mula sa iba’t ibang ahensya. Layunin ng proyekto? Pabilisin at padaliin ang serbisyo ng gobyerno.
Medical assistance? Legal advice? Job matching?
Lahat ng iyan, puwede nang ma-access sa eGovPH app o sa BPESH mismo! May application din para sa clearance at iba pang legal documents—hindi na kailangang makipagsiksikan.
“Matagal na nating naririnig ang salitang one-stop shop, pero ngayon lang natin mararamdaman talaga,” ani Marcos.
Dagdag niya, hindi lang ito sa San Juan, kundi ipapatupad sa buong bansa.
Ayon kay DICT Secretary Aguda, patunay ito ng malasakit ng gobyerno.
“Hindi na kailangang maghintay nang matagal. Sa tulong ng e-governance, mas mabilis at mas epektibo na ang serbisyo,” sabi niya.
Ibinida rin ni DICT Usec. David Almirol Jr. ang 40 million users ng eGovPH app, na may 70 government services at konektado na sa 927 LGUs.
“Andito na ang Bagong Pilipinas!” sigaw ni Usec. Almirol.
Mainit ang pagtanggap ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa bagong proyekto.
“Proud kami na dito sa San Juan unang inilunsad ang BPESH!” ani Zamora.
Sa paglulunsad ng BPESH, bitbit ng gobyerno ang bagong mukha ng serbisyo:
Mabilis. Madali. Walang hassle. Ika nga ng kampanya: “Bagong Pilipinas—Serbisyong may malasakit!”
