File photo
Mukhang malabong magkaroon ng rigodon sa liderato ng Senado.
Ito ay matapos mabatid na ang patuloy na “pagtatago” ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay naging malaking hadlang para sa mga grupong nagnanais na mapatalsik si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon sa source ng Agila ng Bayan, hindi makaarangkada ang planong pagpapatalsik kay Sotto dahil bigo ang mga nasa likod nito na makuha ang kailangang 13 boto upang magkaroon ng reorganization.
Sa kasalukuyan, tila hanggang “bulong-bulungan” lamang sa social media ang usapin ng pagpapalit ng liderato, kabilang ang mga bali-balitang baka isang babaeng senador ang pumalit sa puwesto.
Ang pangunahing dahilan ng pagkakandado ng numero ay ang kawalan ni Dela Rosa, na hindi na nakita sa publiko o sa mga sesyon ng Senado simula pa noong Nobyembre 2025.
Nag-ugat ang kaniyang pagkawala matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon umanong arrest warrant na inisyu ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng “War on Drugs” ng administrasyong Duterte.
Bukod sa pagliban ni Dela Rosa, lumalamig din ang suporta nina Senators Bong Go at Robin Padilla sa anumang balak na palitan si Sotto. Ang dalawang senador, na kapwa bahagi ng minorya, ay iniulat na wala pang ganang sumama sa anumang destabilisasyon sa liderato ng kapulungan.
Sa kabila ng mga ulat ng “coup talk,” nananatiling kampante ang kampo ni Sotto.
Bukod kina Dela Rosa, Go, at Padilla, ang minority bloc ay binubuo nina: Minority Leader Alan Peter Cayetano, Sen. Francis Escudero, Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Imee Marcos
Dahil sa kakulangan ng sapat na tao at suporta mula sa mga “mabibigat” na pangalan sa minorya, nananatiling secure ang posisyon ni Sotto.
Sa ngayon, ang tanging hamon sa Senado ay ang patuloy na pag-andar ng mga komite habang kulang ng isang miyembro dahil sa hindi pa rin nagpapakita si Dela Rosa.
