Matapang na rumesbak ang vlogger na si Jack Argota laban kay Atty. Jesus Falcis at sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos lumutang ang balitang isasailalim siya sa imbestigasyon dahil sa pagpapakalat umano ng pekeng medical record ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa serye ng mga posts sa Facebook, mariing itinanggi ni Argota na natatakot siya sa banta ng subpoena at legal na aksyon.
Ginamitan pa nito ng mga mapanirang salita si Falcis at iginiit na hindi siya ang nagpasimula ng kumakalat na dokumento dahil dati na umano itong umiikot sa internet bago pa niya maibahagi. Pinabulaanan din niya ang mga ulat na nagbura siya ng ebidensya, sa pagsasabing ang Meta (Facebook) mismo ang nagtatanggal ng kaniyang mga posts dahil sa mga report at fact-check.
Inamin din ni Argota sa kaniyang post na ang kaniyang pahayag na may malalang sakit ang Pangulo ay isang “joke” lamang.
Ayon sa kaniya, ginawa niya lamang itong patawa dahil siya ay isang komedyante, sabay banat sa kaniyang mga kritiko na tila naging “boring” umano ang kabataan ng mga ito.
Hinamon pa niya ang pamahalaan na ilabas ang “orihinal” na medical record kung talagang peke ang kumakalat na dokumento, dahil karapatan umano ng mga Pilipino na malaman ang tunay na kalagayan ng kalusugan ng lider ng bansa.
Matatandaang kinumpirma ni NBI Acting Director Lito Magno na sinimulan na nila ang pagsisiyasat sa mga indibidwal na nagpapakalat ng nasabing dokumento dahil itinuturing na itong banta sa national security.
Bagama’t kinikilala ang karapatan ng publiko sa impormasyon, binigyang-diin ni Magno na hindi ito lisensya para magkalat ng maling balita.
Nagbabala naman si Atty. Jesus Falcis na hindi makakaligtas si Argota sa posibleng kasong cyberlibel, false news sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Data Privacy Act.
Ayon kay Falcis, kahit pa mapatunayang totoo ang dokumento, labag pa rin sa batas ang paglalabas ng pribadong impormasyong medikal nang walang pahintulot.
Dagdag pa ng abogado, kayang bawiin ng NBI ang mga binurang post at posibleng “masampolan” na ang vlogger gaya ng iba pang naunang kinasuhan.
