Hindi pinalampas ni Senator Robin Padilla ang mga patutsada ni dating Presidential Political Adviser Ronald Llamas matapos siyang iturong dahilan ng pagkatalo ng maraming celebrity candidates noong nakaraang halalan.
Sa isang maanghang na Facebook post nitong Sabado, Pebrero 1, binigyang-diin ng senador na ang kaniyang adbokasiya ay sumusuporta sa mga kandidatong hindi kilala, walang yaman, at hindi galing sa mga political dynasties—isang direktang sagot sa komento ni Llamas na “hindi na siya deserve” ng mga botante.
Binuhay ni Padilla ang isang lumang kontrobersya ni Llamas noong 2012 kung saan nahuli umano itong bumibili ng mga pirated DVD sa isang mall sa Quezon City.
Ayon sa senador, tila kulang sa “delicadeza” si Llamas dahil bilang isang dating opisyal ng gobyerno ay nasangkot ito sa ilegal na gawain ngunit hindi naman nakasuhan.
Dagdag pa ng senador, tila ang “galit” ni Llamas sa mga artista ay nag-uugat sa mga personal na puna sa kaniyang hitsura, sabay payo na bawasan ang pangungutya upang “gumanda-ganda” naman ang kaniyang disposisyon.
Hinamon din ni Padilla ang political analyst na subukang tumakbo sa pampublikong opisina upang mapatunayan kung kaya nitong manalo, lalo’t hindi biro ang mag-number one sa senatorial race nang dalawang beses.
Matatandaang noong 2022 elections, nanguna si Padilla sa karera sa pagkasenador matapos makakuha ng mahigit 26.6 milyong boto, na nagpabagsak sa mga beteranong politiko at iba pang kilalang personalidad.
Nag-ugat ang palitan ng salita nang ihayag ni Llamas sa isang panayam sa One PH na malaki ang papel ni Padilla sa pagkatalo ng mga artista sa huling midterm elections dahil sa kaniyang naging performance sa Senado.
Buwelta pa ni Llamas, handa siyang pumusta na hindi na muling mangunguna ang aktor-politiko sa susunod na pagkakataon.
Sa kabila ng mga batikos, nananatiling matatag ang kampo ni Padilla na ang kaniyang pagkapanalo ay simbolo ng pagtitiwala ng masa at hindi lamang dahil sa kaniyang kasikatan sa pelikula.
