SINALAKAY ng pulisya ang isang shabu laboratory na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga kemikal na gamit sa paggawa ng shabu sa Caloocan City, Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagreklamo ang mga kapitbahay ng babaeng may-ari ng bahay sa masangsang na amoy kaya’t nag-report ang ginang sa pulisya sa hinalang ginagawang shabu lab ng umuupa sa kanyang bahay sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D.
Kaagad nag-apply ang pulisya ng search warrant at nang maglabas ng search warrant na may petsang Enero 23, 2026 si Caloocan Regional Trial Court (RTC) Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Branch 125, sinalakay ng iba’t-ibang unit ng Caloocan Police Station sa pangunguna ni Col. Goforth, kasama ang Northern Police District (NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang nasabing bahay dakong alas-8:16 ng umaga.
Hindi na naabutan ang suspek na si alyas “Jessie” habang nabungaran ng mga pulis sa loob ng bahay ang dalawang container na may lamang tinatayang 20-litro ng Phenylocetone. isang liquid chemical na paggawa ng shabu na tumitimbang ng 16.95 kilo na tinatayang aabot sa halagang P10,000,500.00.
Nakuha rin sa loob ang iba pang mga gamit sa paggawa ng shabu tulad ng laboratory-grade glass na may kapasidad na 20,000ml, dalawang electric laboratory heating mantle, isang stainless na laboratory heating at mixing base unit, machine type na may buton, at iba pang paraphernalia sa paggawa ng shabu.
Napasugod naman sa lugar sina Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at 1st District Congressman Oca Malapitan nang malamang may shabu laboratory sa lugar at iniutos ang malawakang pagtugis sa suspek at malalimang pagsisiyasat upang matukoy ang iba pang mga kasabuwat. (JUVY LUCERO)
