Isang nakakangilabot na natuklasan ang bumulaga sa mga dumadaang sibilyan matapos makita ang pinaniniwalaang labi ng isang babae sa loob ng isang drum sa gilid ng bangin sa kahabaan ng Marcos Highway, Sitio Cabading, Brgy. San Jose, Antipolo City, nitong Huwebes ng hapon, ika-22 ng Enero.
Ayon sa ulat ng Antipolo City Police Station (CCPS) – PCP 3, nakatanggap sila ng impormasyon bandang ala-1:30 ng hapon mula sa mga saksi na nakakita ng isang paa ng tao na lumalabas mula sa isang sako.
Ang nasabing sako ay nakasilid sa loob ng isang kulay berdeng Orocan drum na itinapon sa madamong bahagi ng bangin sa nasabing kalsada.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCP 3 upang kumpirmahin ang ulat. Pagdating sa lugar, tumambad sa mga awtoridad ang drum na may masangsang na amoy at ang kitang-kitang paa ng tao na nakalabas sa puting sako.
Dahil dito, agad na kinordonan ang lugar upang mapangalagaan ang integridad ng crime scene.
Sa kasalukuyan, hindi pa nakikilala ang pagkakakilanlan ng biktima habang hinihintay ang pagsasagawa ng teknikal at forensic investigation ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy kung sino ang responsable sa pagtatapon ng nasabing drum at kung may naganap na krimen. (ARNOLD PAJARON JR)
