Larawan mula sa Department of Finance (DOF).
Ipinaliwanag ni Securities and Exchange Commission (SEC) Chairman Francis Lim nitong Miyerkules ang papel at kahalagahan ng mga independent director sa mga kumpanya, kasabay ng paglulunsad ng financial literacy campaign sa Makati City.
Ayon kay Lim, ang konsepto ng independent director ay nilikha upang protektahan ang mga mamumuhunang publiko, lalo na ang minority shareholders.
Binigyang-diin niya na anumang desisyon ng isang director, independent man o hindi, ay dapat nakatuon sa ikabubuti ng kumpanya at hindi sa interes ng mga nominator o major stakeholders.
Batay sa Revised Code of Corporate Governance ng SEC, ang independent director ay isang tao na walang materyal na koneksyon o relasyon sa pamunuan ng kumpanya na maaaring makaapekto sa kanyang pagiging patas sa paggawa ng desisyon. Hindi rin sila direktang sangkot sa operasyon ng negosyo, taliwas sa mga executive director.
Ipinahayag din ni Lim ang kaibahan ng non-executive director, na tulad ng independent director ay hindi bahagi ng pamamalakad sa araw-araw ng kumpanya, ngunit nakaupo pa rin sa Board upang gumanap ng mga tungkuling pang-gabay at pangbatas.
Sa ilalim ng Corporate Code, ang Board of Directors ang pangunahing may pananagutan sa pamamahala ng korporasyon. Ang board ay dapat binubuo ng hindi bababa sa lima at hindi hihigit sa 15 miyembro na inihahalal ng stockholders. Kailangan din ng bawat kumpanya ng dalawang independent directors o 20% ng kabuuang board membership, alin man ang mas mababa ngunit hindi bababa sa dalawa.
Kasabay nito, inanunsyo ni Lim na nakahanda ang SEC na tumanggap ng mga komento mula sa stakeholders hinggil sa draft circular na nagmumungkahi ng siyam (9) na taon bilang maximum term ng independent director sa isang korporasyon.
Bilang dagdag na proteksyon, ipinanukala rin ng SEC na magkaroon ng tatlong taong security of tenure ang mga independent director sa bawat termino upang matiyak ang kanilang kalayaan at hindi pagiging sunod-sunuran sa sinumang sektor. BOYET BARBA JR
