
Muling ikakasa ang nationwide Trillion Peso March sa darating na Andres Bonifacio Day, Nobyembre 30, bilang pagpapatuloy ng malawakang panawagan laban sa korapsiyon sa pamahalaan.
Ito ang inanunsiyo ng Church Leaders Council for National Transformation kasama ang iba pang church leader sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, Oktubre 1.
Tinatayang mahigit 100 grupo na ang kumpirmadong makikiisa sa nasabing kilos-protesta, na inaasahang mas malaki at mas malawak kaysa sa unang Trillion Peso March na ginanap noong nakaraang buwan.
Kabilang sa mga nakahanay na aktibidad ang noise barrage at candle lighting against corruption, bilang simbolo ng panawagan para sa agarang aksiyon ng pamahalaan laban sa katiwalian.
Iginiit ng mga lider-simbahan na ang kilos-protesta ay isasagawa sa mapayapa at maayos na paraan upang maiwasan ang tensiyon na naranasan noong nakaraang pagtitipon.
Ayon sa kanila, ang laban kontra korapsiyon ay hindi lamang usaping pampulitika kundi isang panawagang moral at panlipunan na dapat pagtulungan ng mamamayan at pamahalaan.
Dagdag pa nila, ang pagdaraos ng protesta sa Araw ni Bonifacio ay pagpupugay sa diwa ng kabayanihan at paninindigan para sa bayan, laban sa katiwalian at kawalan ng pananagutan sa gobyerno. (ART TORRES)
