LAGLAG sa selda ang 20-anyos na construction worker na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Jan Jan”, ng Brgy., Karuhatan.
Ayon kay Col. Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng droga.
BASAHIN: NBI volunteer arestado at nakadetine dahil sa Senate shooting – NCRPO
Ang signal mula sa kanilang kasama na nagpanggap na poseur buyer ang naging hudyat para agad lumusob ang mga tauhan ni Lt Dascil at sinunggaban ang suspek sa harap ng Pamilyang Valenzuelano Park, Pinalagad Brgy. Malinta dakong alas-11:30 ng umaga.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money at P100 cash.
Mahaharap ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. JUVY LUCERO
