Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na arestado at kasalukuyan nang nakadetine ang umano’y volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa naganap na barilan sa loob ng gusali ng Senado kamakailan.
Ayon kay NCRPO Spokesperson P/Maj. Hazel Asilo, sumailalim na sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor sa Pasay City ang suspek na kinilala sa pangalang Mel Oragon dakong alas-6:00 ng umaga noong Mayo 14, 2026.
Nahaharap ngayon si Oragon sa mahabang listahan ng mga kasong kriminal na nag-ugat sa kaniyang panggugulo at pagpapaputok ng baril sa loob ng kapulungan.
BASAHIN: De Lima, Diokno pinalagan ang kaso ni Mans Carpio vs AMLC, BSP: ‘Harassment ‘yan!’
Kabilang sa mga isinampa laban sa kaniya ay ang paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, pati na rin ang mga paglabag sa Revised Penal Code tulong ng Article 165 para sa Alarm and Scandal, Article 153 para sa Tumultuous Disturbance of Public Order, at Article 151 para sa Resistance and Disobedience to a Person in Authority. Bukod dito, kinasuhan din siya ng Article 144 (Disturbance of Proceedings), Article 148 (Direct Assault), Trespass to Property, at tahasang paglabag sa Senate Security Regulations.
Ito’y bunsod ng matinding kaguluhang naganap kamakailan lang sa loob ng Senado kung saan nagkapalitan ng putok ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) at mga ahente ng NBI na magsisilbi sana ng warrant laban kay Senador Bato dela Rosa.
Nananatili si Oragon sa piitan ng Pasay City Police Station habang hinihintay ang resolusyon ng piskalya para sa kaniyang tuluyang pagpapanagot sa batas. (Arsenio Tan)
