Mariing binatikos ng mga lider ng oposisyon ang reklamong kriminal na isinampa ni Atty. Manases “Mans” Carpio laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Anti-Money Laundering Council (AMLC), na tinawag nilang isang porma ng harassment at pananakot.
Sa pagharap sa media matapos ang preliminary investigation hearing sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Biyernes, Mayo 15, hindi nagpaawat sina dating Senadora Leila de Lima, Atty. Chel Diokno, at Perci Cendaña sa pagtuligsa sa hakbang ng asawa ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima, ang kaso ay isang malinaw na ” retaliatory move” na naglalayong takutin ang mga institusyong nagsusulong ng accountability.
Iginiit niya na bagaman mayroong Bank Secrecy Law, hindi ito dapat magsilbing proteksyon upang itago ang mga transaksyong may kinalaman sa posibleng korapsyon, lalo na sa gitna ng isang impeachment proceeding.
“Hindi dapat maging shield ang Bank Secrecy Law para itago ang katotohanan. Ginagawa lang ng AMLC at BSP ang kanilang mandato na magbigay ng impormasyon kapag may legal na proseso gaya ng imbestigasyon sa Kamara,” ani De Lima.
BASAHIN: Ginang na nagnakaw sa barista, huli matapos malaglagan ng shabu sa harap ng pulis
Suportado naman ni Atty. Chel Diokno ang legalidad ng paglalabas ng bank records ni Carpio sa House Committee on Justice. Paliwanag ni Diokno, bahagi ito ng kapangyarihan ng Kongreso sa kanilang inquiry in aid of legislation at impeachment functions.
“Ang mga opisyal ng gobyerno at ang kanilang mga pamilya ay dapat handa sa mas mataas na antas ng scrutiny. Walang basehan ang reklamong ‘illegal disclosure’ dahil dumaan ito sa tamang proseso ng lehislatura,” dagdag ni Diokno.
Naniniwala naman si Perci Cendaña ng Akbayan Party-list na ang reklamo ni Carpio ay isa lamang pagtatangka na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga mabibigat na isyung kinakaharap ni VP Sara Duterte sa impeachment complaint nito.
Nananatili ang paninindigan ng grupo na ang mga reklamong kriminal na ito ay walang sapat na basehan at naglalayong pahinain ang mekanismo ng checks and balances sa bansa upang protektahan ang mga nasa kapangyarihan.
