ISANG matinding sampal sa mga tiwaling opisyal ng barangay ang privilege speech ni Councilor Volta Delos Santos sa Pasig City nitong kamakailan lang.
Diretsahang sinabi ng mama na hindi pag-aari ng barangay officials ang pera ng bayan. Mismo!
At tama si Delos Santos, na tigilan na dapat ang pagboto sa mga inutil at mangmang na nakaupo lang para sa sariling bulsa.
Mga ka-Berdugo, marami na tayong naisulat na parehong esksena, mga barangay officials na akala mo hari sa kanilang teritoryo, ginagawang personal na negosyo ang budget, at kapag nahuli, ang palusot eh “data privacy.” Kalokohan nga, gaya ng sabi ni Pasig Vice Mayor Dodot Jaworski.
Mahalaga rin ang binitawang salita ng bise alkalde: “Subukan n’yong magnakaw ng barangay funds, ipakukulong namin kayo.”
Ang sakit sa bangs nito, no?!
Mga ka-Berdugo, hindi na ito basta retorika kundi isang babala. At kung maisasakatuparan, malaking pagbabago ang maaaring simulan sa Pasig. Sapagkat ang barangay ang pinakaunang mukha ng gobyerno sa mata ng taumbayan, at kung bulok ang barangay, bulok ang buong sistema. Sonabagan!
Ngunit ang hamon dito ay consistency. Marami na tayong narinig na pangakong “clean governance,” ngunit naluluma sa kalaunan.
Ang tanong ng mga ka-Berdugo, kayang bang patunayan nina Jaworski at Delos Santos na hindi lang ito salita?
Kung magtatagumpay ang Pasig sa pagpapatupad ng transparency at full disclosure policy sa lahat ng barangay, maaari itong maging ehemplo sa buong bansa. Kung mabibigo, mauuwi lang ito sa isa na namang pa-epal na talumpati na walang kinahantungan. Araykupo!
Kaya sa mga barangay officials ng Pasig, maghanda na kayo. Ang pera ng bayan, pera ng tao. At kapag ginamit n’yo ’yan sa bulsa n’yo, kalaboso ang inyong bagsak. Susmaryosep!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr@gmail.com
