May 6, 2024

Scavenger sinaksak ng kainuman sa Malabon, sugatan

SUGATAN ang isang scavenger matapos saksakin ng kanyang kapitbahay makaraan ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Ginagamot sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong saksak sa itaas na bahagi ng paa’t kamay ang biktimang si Rene Boy Enderyo, 40 ng No. 78 Magsaysay Street, Barangay San Agustin.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilala bilang si Joselito Jabeniar, 48, helper at nakatira din sa nasabing lugar.

Sa report nina PSSg Michael Oben at PCpl Rocky Pagindas kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa loob ng kanilang compound sa No. 78, Magsaysay Street nang mauwi ang mga ito sa mainitang pagtatalo dakong alas-11:30 ng umaga matapos umanong hindi magkaintindihan.

Nagpasyang umalis ang biktima sa lugar subalit, sinundan siya ng suspek at inundayan ng isang saksak na naging dahilan upang isugod si Enderyo ng kanyang pamilya sa nasabing pagamutan.

Kaagad namang naaresto ang suspek sa follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station 6 ng Malabon police at nakumpiska sa kanya ang patalim na ginamit sa pananaksak.