
Agad na inaksyunan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang Toyota Vios na may takip ang plaka matapos itong mamataan sa viral video na tila lumalabag sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP). Ayon sa LTO, inilagay na sa alarm status ang nasabing sasakyan at pinadalhan ng show cause order ang rehistradong may-ari nito.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na habulin at parusahan ang mga pasaway sa kalsada, sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang insidente ay nakunan sa kahabaan ng Taft Avenue kung saan makikita sa video na tinakpan ang orihinal na plaka ng sasakyan ng isang hindi awtorisadong plate cover — isang malinaw na pagtatangka para takasan ang NCAP monitoring.
“Tinitiyak natin na mananagot ang mga taong binabastos ang ating batas. May mga naparusahan na tayo, at hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng lumalabag,” giit ni Asec. Mendoza.
Ayon naman kay LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, ang plaka ay partially visible kung saan nabasa ang ilang letra ngunit hindi matukoy ang buong plate number, na malinaw na obstruction o pagharang sa visibility ng plaka.
Nabatid na ang Toyota Vios ay nakarehistro sa isang pharmaceutical company sa Parañaque City, na inatasang humarap sa LTO Central Office kasama ang drayber na may kontrol sa sasakyan sa oras ng insidente.
Sa pagdinig, inaasahang ipapaliwanag ng drayber kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensya, alinsunod sa Section 27 (a) ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, dahil sa pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Una na ring naglabas ng kahalintulad na aksyon ang LTO laban sa isang motorsiklong may plaka na tinakpan ng packaging tape, bilang bahagi ng pinalalakas na kampanya kontra sa mga gumagamit ng “modus” para makaiwas sa NCAP.
Patuloy ang panawagan ng LTO sa publiko na sumunod sa batas trapiko at iwasan ang anumang uri ng pandaraya upang hindi manganib ang kanilang lisensya at buhay sa kalsada.
