
BAUAN, BATANGAS — Arestado ang isang lalaking itinuturing na High Value Individual (HVI) sa drug watch list ng Batangas Provincial Police Office matapos mahulihan ng higit ₱1 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation noong Lunes ng gabi, Hunyo 30, 2025, sa Brgy. San Roque, Bauan.
Sa ulat ni Bauan Chief of Police PLt. Col. Mark Aningalan kay CALABARZON PRO 4A Regional Director P/Brig. Gen. Jack L. Wanky, kinilala ang suspek sa alyas na “Tattoo”, 50 taong gulang at residente ng nasabing bayan.
Nasamsam mula sa suspek ang apat (4) na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 160 gramo at tinatayang street value na ₱1,088,000.00, batay sa Standard Drug Price ng Dangerous Drugs Board.
Bukod sa ilegal na droga, nakumpiska rin ang isang asul na sling bag at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Pansamantalang nakakulong ngayon ang suspek sa Bauan Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)
