
CALOOCAN CITY — Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Karina Teh bilang Vice Mayor ng Caloocan sa ginanap na Oath Taking at Inauguration Ceremony ng mga halal na opisyal ng lungsod para sa taong 2025.
Sa isang makulay na seremonya na dinaluhan ng mga opisyal, pamilya, at taga-suporta, muling ipinahayag ni Vice Mayor Teh ang kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko para sa mga Batang Kankaloo.
“Isang karangalan po na muling makapaglingkod bilang Pangalawang Punonglungsod ng Caloocan. Mas lalo pa po nating pagbubutihin ang ating pagseserbisyo,” ani Teh sa kanyang maikling talumpati.
Bitbit ang kanyang signature line na “Love Caloocan, Labyu Teh!”, tiniyak ng bise alkalde na mananatiling bukas ang kanyang opisina para sa mga programa at proyektong tunay na ramdam ng mamamayan.
Ang kanyang panunumpa ay bahagi ng opisyal na pagsisimula ng panibagong termino ng mga halal na lider ng Caloocan, na layuning ituloy ang pag-unlad at serbisyong may malasakit para sa bawat Kankaloo.
