
Pinalakas pa ng Manila Electric Company (Meralco) ang suplay ng kuryente sa timog bahagi ng Metro Manila sa pamamagitan ng bagong ASEANA 115kV–34.5kV Gas Insulated Switchgear (GIS) Substation na kamakailan lamang ay pinagana sa lungsod ng Parañaque.
Pinangungunahan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Meralco upang matugunan ang tumataas na pangangailangan sa enerhiya ng mga commercial at economic zones, partikular na sa ASEANA City at mga kalapit na lugar.
Kabilang sa mga inilagay sa substation ang 83-megavolt-ampere (MVA) power transformer, mga indoor GIS switchgears para sa 115kV at 34.5kV, isang 14.4 MVAr capacitor bank, at isang 1.2-ohm neutral reactor. Itinayo rin ang isang GIS building na may kasamang mga advanced na kagamitan para sa proteksyon at kontrol.
Ayon sa Meralco, makakatulong ito na mapababa ang system loss ng humigit-kumulang 373,392 kilowatt-hours (kWh)—na magreresulta sa direktang pagtitipid para sa mga konsumer. Bukod dito, mapapaluwag din nito ang kasalukuyang mabigat na load ng mga PAGCOR-1 transformer bank at magbibigay ng mas flexible na switching capability tuwing may aberya o maintenance.
Bilang isang “smart substation”, taglay ng pasilidad ang network automation technology na magbibigay ng tuluy-tuloy at maaasahang serbisyo sa mga negosyo at establisimyento tulad ng ASEANA 3, Ayala Malls Manila Bay, Bayprime Hotel, Capeton Baysuites, Hop Inn Hotel Aseana, K1 Center, Uni-Asia International Prime Holdings, Platinum Tower, Sequoia Hotel, Seda Manila Bay, at Sinocan Corporate Center.
“This project plays a key role in improving system reliability and serving the dynamic power requirements of our customers,” ani Froilan J. Savet, First Vice President at Head of Networks ng Meralco. “Patuloy kaming mag-i-invest sa mga imprastraktura para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa mga lumalawak na sentrong pangkabuhayan.”
Ang bagong substation ay patunay ng pangako ng Meralco na bumuo ng mas matalino, matatag, at future-ready na power grid upang masigurong ligtas, matatag, at maaasahan ang serbisyo ng kuryente para sa lahat ng customers nito.
