Ang alokasyon para sa Ilocos Norte 1st District ang nakakuha ng pinakamalaking slice sa budget.
Isinulong ni Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang House Bill No. 8190 o ang “Anti-Road Rage Act” sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw, Marso 2, 2026.
Ang panukalang batas na ito ay naglalayong gawing isang ganap na criminal offense ang “road rage” at magtakda ng kaukulang parusa para sa mga lalabag dito upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa mga lansangan.
Sa Explanatory Note ng nasabing bill, binigyang-diin ni Marcos na ang kaligtasan sa kalsada ay isang pambansang usapin na direktang nakakaapekto sa buhay at seguridad ng bawat Pilipino.
Binanggit sa dokumento ang datos mula sa Philippines Road Safety Profile 2025 kung saan nananatiling mataas ang bilang ng mga namamatay sa aksidente sa kalsada sa bansa, na umaabot sa 9.7 deaths per 100,000 population noong 2021—isang bilang na mas mataas kumpara sa average ng ibang bansa sa Asia-Pacific.
Ayon sa panukala, kailangang magkaroon ng isang specialized legal framework upang malinaw na matukoy at maparusahan ang mga sadyang agresibo at mapanakit na gawi sa pagmamaneho.
Ang hakbang na ito ay suportado rin ng mga ginagawang pagsusuri ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa mga kaso ng road rage bilang bahagi ng mas malawak na kampanya ng gobyerno laban sa mapanganib na asal sa kalsada.
Nakasaad sa Section 2 ng bill ang deklarasyon ng polisiya ng estado na itaguyod ang disiplina at respeto sa pagitan ng mga gumagamit ng kalsada.
Kasama rin sa mga depinisyon ng terminolohiya sa Section 3 ang pagkilala sa mga motorsiklo, kabilang ang mga tricycle at e-trike, bilang mga sasakyang sakop ng regulasyon. Ang House Bill 8190 ay inaasahang dadaan sa masusing pagbusisi ng kaukulang komite sa Kamara upang pormal na maisabatas.
