Sa gitna ng talamak na implasyon, sunod-sunod na kalamidad, at gulo sa pulitika, tila nadagdagan pa ang pasan ng sambayanang Pilipino dahil sa tensyong nagaganap libu-libong milya ang layo mula sa ating pampang.
Ang kamakailang pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran, na nagresulta sa pagkamatay ng mga matataas na opisyal ng Iran, ay nagbunsod ng madugong pagganti na ngayo’y naglalagay sa Pilipinas sa isang mapanganib na posisyon.
Dahil sa ating papel bilang host ng siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, hindi malayo ang posibilidad na tayo ang sumunod na maging target ng mga drone at missile ng Iran.
Nakababahala ang naging pahayag ni Senator Erwin Tulfo, ang chairman ng Senate Foreign Relations Committee, na nagbabala sa panganib na dala ng mga instalasyong militar na ito.
Ayon sa senador, mayroong “urgent need” na suriin ang EDCA pact upang maiwasan ang posibilidad na maging biktima ang bansa ng mga reprisal attacks.
Hindi ito biro, lalo na’t nakita natin ang pag-ulan ng missiles sa mga bansa sa Middle East na nagpapatuloy sa pag-host ng mga base militar ng Amerika. Bagama’t karamihan sa mga ito ay naharang, ang panganib sa buhay ng mga Pilipino ay hindi mapagkakaila.
Sumang-ayon din sa linyang ito si Davao City Rep. Paulo Duterte, na mariing nagsabing tila “nagpinta ng bullseye” ang administrasyong Marcos sa lupang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa agresibong paglawak ng tropang Amerikano.
Sa ilalim ng doktrinang militar, ang anumang teritoryong ginagamit ng dayuhang puwersa ay awtomatikong nagiging lehitimong target.
Nakatatakot isipin na ang ating mga komunidad, paliparan, at daungan ay maaaring maging battlegrounds ng isang digmaang hindi naman atin.
Matatandaang sa ilalim ng nakaraang administrasyon, mas pinili ng Pilipinas ang lumapit sa China para sa ekonomikong konsiderasyon.
Ngunit sa ilalim ni Pangulong Marcos Jr., muling kumiling ang bansa sa Estados Unidos at naging matapang sa pag-giit ng ating karapatan sa West Philippine Sea batay sa 2016 arbitral ruling.
Bagama’t mahalaga ang pagtatanggol sa ating soberanya laban sa China, kailangang timbangin kung ang kapalit ba nito ay ang pagiging “collateral damage” sa hidwaan ng ibang dambuhalang bansa.
Panahon na upang maging mapanuri ang ating mga pinuno. Ang Pilipinas ay dapat tumayong isang malayang bansa na inuuna ang kaligtasan ng sariling mamamayan kaysa sa interes ng mga dayuhang kaalyado.
Ang pagrepaso sa EDCA ay hindi pagtalikod sa ating mga obligasyon, kundi isang matalinong hakbang upang matiyak na hindi tayo madadamay sa apoy ng isang pandaigdigang digmaan na maglulubog sa atin sa higit pang hirap.
