Naglabas na ng mga subpoena ang Department of Justice (DOJ) para sa pamilya Villar at iba pang mga opisyal ng Villar Land kaugnay ng reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, naisilbi na ang mga nasabing kautusan sa mga respondent bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.
Ang reklamo ay nag-ugat sa akusasyon ng SEC noong Enero laban sa Villar Land, na dating kilala bilang Golden MV Holdings Inc., dahil sa umano’y paglabag sa Securities Regulation Code.
Binigyang-diin ng SEC na ang kumpanya ay naglabas ng mga mapanlinlang na pahayag at nagsagawa ng mga gawaing may kinalaman sa pandaraya sa mga investor.
Kabilang sa mga pinangalanang respondent sa reklamo sina Villar Land chairperson at dating senator Manuel Villar Jr., dating senator Cynthia Villar, Manuel Paolo Villar, at sina Senator Camille Villar at Senator Mark Villar.
Nilinaw ni Martinez na sasailalim ang reklamo sa preliminary investigation upang matukoy kung may sapat na basehan ang mga alegasyon ng SEC.
“Siyempre, bilang bahagi ng pamamaraan, lahat ng mga respondent ay bibigyan ng pagkakataong iharap ang kanilang mga depensa,” pahayag ni Martinez.
Sa isang naunang pahayag, nanindigan si Manuel Villar Jr. na ang kanyang kumpanya ay laging sumusunod sa pinakamataas na pamantayan ng corporate governance. Sinabi niya na kailanman ay hindi siya nasangkot sa mga ilegal na gawain para sa sariling pakinabang o upang mandaya ng mga mamimili at mamumuhunan, at tiniyak ang kanilang pakikipagtulungan sa mga awtoridad.
