Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nasa 1,033 manggagawang Pilipino na patungong Middle East ang kasalukuyang stranded sa iba’t ibang paliparan sa Pilipinas at ibayong dagat. Ito ay dulot ng mga pagkansela ng flight bilang epekto ng tumitinding krisis sa nasabing rehiyon.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, nasa 768 na manggagawa ang pansamantalang nananatili sa mga pasilidad na ibinigay ng OWWA sa Terminal 1 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Karamihan sa mga stranded na manggagawa ay nagmula pa sa Visayas at Mindanao.
Bukod sa NAIA, may naiulat ding halos 100 stranded na manggagawa sa Clark International Airport sa Pampanga noong Linggo, Marso 1. Sa ibang bansa naman, 132 Pilipino na papunta sanang Dubai at Riyadh ang na-stranded sa Hong Kong, habang 33 iba pa ang naapektuhan ng katulad na aberya sa Singapore.
Naglabas na ng direktiba si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa mga awtoridad na tulungan ang lahat ng mga stranded na Pilipino, kabilang na ang mga turista. Aniya, “Basta’t sila ay Pilipino, tutulungan natin sila. Magtulungan tayo — all hands on deck. Tayo ay nasa ilalim ng isang one-country team”.
Sa kabila ng mga airstrike sa Iran, kinumpirma ni Cacdac na walang naitalang sugatan o namatay na Pilipino sa nasabing bansa. Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 80 Pilipino sa Iran, kung saan ang karamihan ay may asawang Iranian.
Nakikipag-ugnayan na rin ang gobyerno sa mga embahador sa Gulf states at Israel upang magbigay ng mga pangunahing pangangailangan, pansamantalang tirahan, at transportasyon para sa mga Pilipinong nasa kagipitan. Kabilang sa mga shelter na ito ang mga pasilidad na mula sa host country at mga site na pinapatakbo ng OWWA, gaya ng sa Dubai kung saan nasa 20 Pilipino ang nabigyan ng matutuluyan.
Bagama’t wala pang isinasagawang mass repatriation dahil hindi pa umaabot sa Alert Level 4 ang sitwasyon, inihahanda na ng DMW, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya, ang mga opsyon sa lupa, dagat, at himpapawid para sa posibleng pagpapauwi sa mga kababayan.
Nagpadala na rin ng mga augmentation team upang umalalay sa mga stranded na manggagawa sa mga paliparan. Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa naunang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga overseas Filipinos sa gitna ng tensyon sa Middle East. (LIMUEL TOLENTINO)
