Kaugnay ng sitwasyon sa seguridad sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, muling pinagtitibay ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang kahandaan nitong suportahan ang Filipino teachers na maaaring maapektuhan at nagbabalak nang umuwi sa Pilipinas.
Sa ilalim ng programang Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS), nagbibigay ang DepEd, katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), ng malinaw na landas para sa pagbabalik at muling pagpasok sa serbisyo ng mga lisensyadong gurong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, patungo sa pampublikong paaralan.
Binigyang-diin ni Secretary Sonny Angara ang pangako ng Kagawaran sa mga gurong magbabalik-bayan: “Sa mga gurong Pilipino sa Gitnang Silangan at sa iba pang panig ng mundo, bukas ang pintuan ng ating mga pampublikong paaralan para sa inyo. Kung magpapasya kayong umuwi, kasama ninyo ang DepEd sa panibagong yugto ng inyong paglilingkod.”
Ang mga kuwalipikadong aplikante ay maaaring maitalaga bilang Teacher I na may permanenteng posisyon, alinsunod sa umiiral na qualification standards at hiring guidelines.
Ang SPIMS Program ay isang inisyatiba para sa reintegrasyon ng mga OFW na pinangungunahan ng National Reintegration Center for OFWs (DMW-NRCO), katuwang ang DepEd, Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at iba pang partner agencies. Layunin nitong tiyakin ang maayos at organisadong paglipat ng mga nagbabalik na OFW patungo sa sistema ng pampublikong edukasyon.
Partikular na layunin ng SPIMS na mabigyan ng trabaho sa pampublikong paaralan ang mga nagbabalik na OFW na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET), makatulong sa pagtugon sa kakulangan ng guro bilang suporta sa K to 12 curriculum, at magbigay ng online refresher courses para sa mga gurong kailangang i-update ang kanilang kaalaman at kasanayan ayon sa kasalukuyang pamantayan sa edukasyon.
Maaaring mag-apply ang mga gurong Pilipino na Filipino citizen o may hawak ng Philippine passport, nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET), at may hindi bababa sa isang taong karanasan sa pagtuturo sa loob ng nakaraang limang taon. Kailangan din na hindi sila tumira sa Pilipinas nang higit sa tatlong magkakasunod na taon, batay sa kanilang pinakahuling tala ng pagdating o pag-uwi sa bansa.
Para sa gabay sa proseso ng aplikasyon at mga kinakailangang dokumento, maaaring makipag-ugnayan ang mga aplikante sa Department of Migrant Workers (DMW) o sa National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa pamamagitan ng kanilang mga opisyal na channel. Kabilang sa mga kailangang isumite ang valid PRC ID, Certificate of Board Rating, at patunay ng pagtatrabaho sa ibang bansa.
Kinikilala ng DepEd ang malaking ambag ng mga gurong Pilipino sa ibang bansa. Patuloy itong nagsisikap na palakasin ang hanay ng mga guro sa Pilipinas at tiyaking may sapat na suporta ang mga edukador, nasa loob man ng bansa o nagtatrabaho sa ibayong-dagat.
