Hindi lang pasyal ang naging silbi ng biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Estados Unidos — ito’y may dalang bilyong pisong benepisyo para sa bansa, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda nitong Sabado, Hulyo 26.
Sa panayam sa Saturday News Forum, inisa-isa ni Salceda ang mga nakamit ng Pilipinas mula sa US visit ng pangulo mula Hulyo 17-21: mga kasunduan sa kalakalan, dagdag na proteksyon sa West Philippine Sea, at bilyon-bilyong investments.
“Hindi lang ito tungkol sa 1% trade deal,” ani Salceda. “Ang pinakamalaking panalo — naisama ang West Philippine Sea sa agenda.”
Tinalakay rin ni Salceda ang pagbaba ng 20% trade tariffs sa ilang produkto ng Pilipinas, na ipinataw pa noong panahon ni dating US President Donald Trump, na ngayon ay 19% na lang matapos ang bilateral talks.
Ayon sa kongresista, mahalaga ang kasunduan lalo na para sa mga agricultural products ng bansa gaya ng mangga at saging, na madalas naaantala sa Sanitation Inspection Permit ng US.
“Malaking tulong ito para sa ating mga magsasaka at exporters,” ani Salceda.
Ipinagmalaki rin ng mambabatas ang mga pasok na investment:
- US$14 Billion Indo-Pacific Fund
- US$15 Million Luzon fund
- US$21 Billion na bagong business investments
“Ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamagandang trade deal sa ilalim ng administrasyong Trump — pangalawa lang tayo sa Malaysia,” dagdag ni Salceda.
Patuloy namang umaasa si Salceda na magagamit nang wasto ang mga ito upang mapaunlad ang ekonomiya ng bansa at mapalakas ang seguridad sa rehiyon.
